Binibigyang-kapangyarihan ang mga Snapchatter na Magsalita at Gampanan ang Bahagi sa Pagdidisenyo ng Amin—at Kanilang—Kinabukasan

Oktubre 29, 2021

Ngayong araw na ito, bilang bahagi ng virtual symposium ng Knight Foundation na Lessons from the First Internet Ages, naglabas ang CEO ng Snap na si Evan Spiegel ng sanaysay kaugnay ng teknolohiyang binubuo namin upang mas maging madali para sa mga kabataan na bumoto, mag-alam tungkol sa mga usaping mahalaga sa kanila, at kahit tumakbo para sa lokal na posisyon para makapaghatid ng pagbabago sa kanilang mga komunidad gamit ang aming  Run for Office Mini

Mababasa ninyo ang buong sanaysay ni Evan sa ibaba, na unang inilathala ng Knight Foundation dito.

***

Nagkakilala kami aking kapwa tagapagtatag na si Bobby Murphy sa Stanford University mahigit isang dekada na ang nakalipas. Isa akong freshman na nag-aaral ng product design at si Bobby ay isang junior na nagsisikap para makakuha ng degree sa mathematical and computational science. Ang una naming proyekto nang magkasama ay Future Freshman, na pinaniwalaan naming maghahatid ng habambuhay na pagbabago sa kung paano nag-a-apply sa kolehiyo ang mga nasa high school. Nagkamali kami, at pumalpak iyon, pero may natutunan kaming mahalaga—gusto naming magkatrabaho kami.

Hindi nagtagal, sinimulan na naming pagsikapan ang kalaunan ay magiging Snapchat. Noong panahong iyon, karamihan ng social media platforms ay matatag na, pero hindi sila nagbibigay ng totoong espasyo para tunay na maipahayag ng ating mga kaibigan ang kanilang mga sarili. Gusto naming gumawa ng bagay na makakatulong sa mga tao na ipahiwatig ang buong hanay ng kanilang pantaong emosyon sa kanilang mga kaibigan—hindi lang kung ano ang mukhang maganda o maganda sa litrato. Kaya dinisenyo namin ang Snapchat na naiiba sa iba pang social media platform noong panahong iyon: ang aming app ay nagbubukas kasabay ng isang camera na nakatulong sa mga tao na kausapin ang kanilang malalapit na kaibigan, sa halip na newsfeed na nag-imbita sa mga taong mag-broadcast ng content nang mas malawakan.

Habang binabalikan ang maagang bahagi namin noong kakaunti pa lang ang nakakaunawa sa aming app, hindi namin naisip na kalaunan ay lalaki nang ganito ang komunidad ng Snapchat. Ngayon, mahigit 500 milyong tao na sa buong mundo ang gumagamit ng Snapchat kada buwan. Bagama't nagbago na ang aming negosyo, hindi nagbabago ang aming kagustuhang lutasin ang mga problema para sa ating komunidad. Ang determinasyong ito, kasabay ng pagiging mausisa at malikhain ng aming team, ay humantong sa ilan sa aming mga pinakamatagumpay na nalikha—kabilang ang aming pangunahing feature ng pagiging pansamantala, ang Stories, at ang augmented reality. 

Naniniwala rin kami na isa sa mga pinakamakapangyarihang anyo ng pagpapahayag ng sarili ay ang paggamit sa karapatang bumoto at—lalo sa ating mga miyembro ng komunidad sa United States—ang paglahok sa demokrasyang Amerikano. Ang passion na ito, kapag pinagsama sa kaisipan naming naglulutas ng problema, ay dahilan kung bakit nakapokus kami sa paggawa ng teknolohiyang magpapadali para sa mga kabataan na bumoto, mag-alam tungkol sa mga usaping mahalaga sa kanila, panagutin ang mga pampublikong opisyal at kahit tumakbo para sa posisyon.

Dati pa man ay determinado na ang mga Snapchatter na makisangkot at tumulong na maghatid ng pagbabago sa kanilang mga komunidad, pero hindi nagbago ang ating mga demokratikong proseso upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataang botante. Hindi nakasabay ang civic engagement sa pakikisangkot ng mga kabataan sa mga adhikaing pinakamahalaga sa kanila—sa pamamagitan ng kanilang mga phone at pinakamalalapit na kaibigan. Para sa mga batang unang beses na boboto—na karaniwang natututo tungkol sa pagboto sa mga kampus ng kolehiyo nila, o hindi pumapasok sa kolehiyo kaya hindi nakikinabang sa civic infrastructure na ibinibigay ng maraming kampus—ang pag-abot sa kanila kung nasaan man sila ay mas mahalaga at mas mahirap higit kailanman. Noong eleksyon ng 2020, noong maraming personal na pagsisikap para magpaboto ang nagambala dahil sa pandemyang COVID-19, ipinakita sa atin kung gaano kalaki ang maaaring maging epekto ng mga karanasang nauuna sa mobile.

Naaabot ng Snapchat ang 90 porsyento ng mga taong may edad 13-24 sa United States, na nagbibigay sa atin ng makabuluhang oportunidad para mabigyan ang grupo ng edad na ito ng sibikong panimula para mas maging madaling lumahok sa ating demokrasya. Mula 2016, nakagawa na kami ng ilang mobile tools para alisin ang mga hadlang sa teknolohiya at matulungan ang mga Snapchatter sa bawat yugto ng proseso ng pagboto—kabilang ang pagpaparehistro ng botante, edukasyon ng botante, at paglahok ng botante. Sa mga nakaraang cycle ng eleksyon, nakipagtulungan kami sa TurboVote at BallotReady para matulungan ang mga Snapchatter na magparehistro upang makaboto, tingnan ang kanilang sample na balota at hanapin ang kanilang presinto ng pagboto—tapos hikayatin ang kanilang mga kaibigan na gawin ang pareho. Naglabas kami ng gabay ng botante na nagkonketa ng mga Snapchatter sa mga sanggunian mula sa NAACP, ACLU, When We All Vote, sa Lawyer's Committee for Civil Rights Under Law, Latino Community Foundation at APIAVote.

Naging mapanghikayat ang pagsisikap na ito: Noong 2020 pa lamang, nakatulong na ang aming team sa mahigit 1.2 milyong Snapchatter na magparehistro para bumoto. Ayon sa datos mula sa Center for Information & Research on Civic Learning and Engagement (CIRCLE) ng Tufts University, sa mga Snapchatter na natulungan naming magparehistro noong 2020, kalahati ay mga unang beses na boboto at mahigit 80 porsyento ay wala pang trenta anyos.

Pero alam din namin na dapat tuluy-tuloy na pinagsisikapan ang paghikayat sa mga susunod na henerasyon ng pinuno— hindi lang para sa mga matunog na eleksyon. Kaya gumawa kami ng feature na nag-aabiso sa mga Snapchatter na magparehistro para bumoto sa kanilang ika-18 kaarawan. Higit pa riyan, available ang aming voter engagement tools buong taon, at hinahangad naming makakatulong ang mga ito sa paglalatag ng pundasyon para sa habambuhay na pagpapahayag ng sarili sa pamamagitan ng pakikisangkot sa lipunan.

Sa mga darating na panahon, patuloy kaming magpapakahusay batay sa feedback na natatanggap namin mula sa mga Snapchatter. Pagkatapos ng eleksyon ng pangulo noong 2020, nakarinig kami mula sa mga Snapchatter na nadismaya sa kawalan ng mga kandidatong tumatakbo para sa mga usaping mahalaga sa kanila. May punto nga naman. Mahalaga ang pagkakaroon ng kinatawan, pero para sa maraming kabataan, tila suntok sa buwan, nakakalito at hindi kakayanin dahil sa pinansya ang pagtakbo sa posisyon. Ayon sa National Conference of State Legislatures (NCSL), ang mga tagagawa ng batas mula sa henerasyon ng mga baby boomeray may hindi pantay na impluwensiya sa lehislatura ng Amerika, kung saan halos doble ang bilang ng kanilang mga miyembro sa kabuuang parte nila sa populasyon ng US. Bilang resulta, patuloy na lumalawak ang puwang sa pagitan ng mga namumuno sa atin at ng kanilang pagkatawan sa susunod na henerasyon ng mga Amerikano. Higit pa riyan, ayon sa Pipeline Initiative, mahigit kalahati ng mga kandidato ay hindi naisip na tumakbo hanggang marekluta o mahikayat sila ng pinagkakatiwalaang kaibigan.

Gusto naming gawin ang aming parte sa pagpapadali para makapaghatid ng pagbabago ang mga Snapchatter sa kanilang mga lokal na komunidad kaugnay ng mga usaping pinakamahalaga sa kanila, sa pamamagitan ng pagtakbo sa posisyon. Kamakailan lang, naglabas kami ng bagong feature sa Snapchat para makatulong sa mga kabataang makaalam pa tungkol sa mga paparating na labanan sa eleksyon sa kanilang komunidad—at magnomina ng mga kaibigang nais nilang makita sa pamunuan. Maaaring aralin ng mga Snapchatter ang mga lokal na oportunidad batay sa iba't ibang usapin sa patakaran, tingnan kung ano ang kaakibat ng bawat posisyon at lumikha ng sentralisadong campaign dashboard na naglalaman ng "listahan" ng lahat ng elementong kailangang makamit ng kandidato bago matagumpay na makakatakbo para sa posisyon sa gobyerno. Bilang panimula, nakikipagtulungan kami sa isang bipartisan na grupo ng sampung candidate recruitment organization na nakikipagtulungan sa mga potensyal na kandidato upang mabigyan sila ng mga sangguniang kailangan nila para makapagsimula, kabilang ang mga workshop para sa pamumuno at pagsasanay sa pangangampanya. Sa pamamagitan ng paghihikayat ng mga kaibigan at pagsasanay mula sa mga partner organization na ito, nakikita nating masaya at epektibong paraan ito upang makapasok sa pamunuan at maiparinig ng mga Snapchatter ang kanilang mga tinig.

Araw-araw sa aming app, nakikita namin ang Snapchat Generation na nagpapakita ng matinding passion, pagkamalikhain at pagiging makabago na nakakatulong para mas maging magandang tirhan ang mundo. Patuloy naming gagawin ang aming bahagi para makatulong na alisin ang mga hadlang na matagal na panahon nang pumipigil sa mga kabataan na bumoto, at seryoso kami sa pagbibigay ng kakayahan sa mga darating na henerasyon na magsalita at makibahagi sa pagdidisenyo ng ating—at kanilang—hinaharap.

Bumalik sa Mga Balita